Music

Anygma Machine FlipTop Battle Reviews Review

Anygma Machine FlipTop Battle Reviews Review

Ito ang aking review sa isang video na nag rereview ng mga FlipTop battles, ang Anygma Machine. So kung meron nga Enigma Machine, ako naman iyong mag mimistulang Bombe Machine. (Tama Bombe iyon ang nag decipher sa Enigma Code, ewan ko ba kung bakit tinawag na Christoper, para mas romantic daw. Ayan ang mahirap pag mas pinipiling manood ng pelikula kesa mag basa ng kasaysayan.)

Kung meron man benepisyo itong nangyayaring crisis na ito sa Pilipinas, eto iyong may mga oras na tayo para sa ibang bagay. Kasi minsan hindi natin pansin na naiipit na tayo sa paulit ulit na sistema. Katulad nga nito, matagal ko ng hinihintay na mag release ang Fliptop ng ganto. Iyong kay Loonie na Break It Down wala ng update, tapos ung kay Apoc din walang bago. Salamat nga ngayon na si Anygma pa mismo ang mag rereview ng mga battles.

Di ko sila masisise mahirap o matrabaho kasi talaga mag review ng battle. Bawat linya may malawak na kabuluhan, kaya kung rereviewhin talaga linya per linya talagang matagal which is iyon naman talaga dapat ang gawin. Katulad nung kay Loonie na lumalagpas isang oras ang bawat video nya. Kaya nga kung tutuusin nabibitin ako dito sa Anygma Machine tipid kasi si Aric dahil narin maraming video ang target nyang reviewhin, ang mga video na hindi daw umabot ng million views. Kaya nakakatanga lang ung mga comment sa Youtube na nag rerequest na reviewhin daw ung laban nina Loonie at Tipsy D, o kaya pati ung kela Smug at Shehyee, hay nako.

Habang isinusulat ko ito, meron ng dalawang battles ang na gawaan ni Aric, ang Frooz vs Kregga at Jonas vs Invictus. Sa dalawang video na iyon, marami tayong matutunan na hindi pa natin narinig sa ibang Youtube Channel. Ito ung masasabi kong trivia na pawang ang may ari lang ng liga ang nakakaalam o sya lang talaga ang makakapag sabi. Tulad sa nabanggit nyang pag reretiro. Oo nga noh, dati binibigyan nya ng pagkakataon ang mga pinuno ng isang division para mag host kapalit nya. May mga video dati kung saan si Blackleaf ng Davao ang host, o kaya naman si Nico ng Gapo. So kung mag reretire na nga si Anygma, sino kaya naiisip nyong pumalit? Si BLKD, pwede noh?

Technical,  maganda naman ung set-up ng Anygma Machine kumpara sa ibang nag rereview na malalakas ung background. Sabagay natural naman talagang magaling si Aric mag host dahil malinaw syang bumigkas. Ganon pa man, nais parin nyang iimprove iyong audio (para sa mga mobile viewers), maganda tong clue para isipin talaga nating hindi magiging mala Loonie ito, at marami syang video na irerelease sa segment nya na ito. May mga time lang talaga na nakakalimutan nyang ipause ung video habang nag sasalita sya, kaya hindi marinig ung sinasabi nya na mas importante kesa dun sa video. Tapos ma rerealize nya na natakbo ung video ng laban, kaya mapapatigil sya, tapos ipe-play back nya instead na dapat ulitin nya ung sinabi nya dahil iyon ang mas importante. Pero maliit lang ng bagay iyon.

Isa pang kaabang abang dito eh ung mga joke ni Aric. Alam mo ung pag nag joke si Sinio, ok lang Sinio yan given iyon. Pero pag si Aric, isipin mo may mataas kang boss na seryoso at nirerespeto ng lahat tapos bigla syang nag joke, dipa mapapatawa ka talaga. Sa video may mga ilang joke na binibitawan si Anygma tulad ng, “wag kayo mag yosi, wag kayo mag droga, wag kayong maging bastos, de joke lang pwede naman kayo maging ganun eh bahala kayo sa buhay nyo” saka iyong “masarap pag durog? parang di masarap yun ah” Ganon pa man may viewers discretion parin naman, “sorry nga pala kung may mga batang manonood neto, ‘wag nyo sanang pansining ang pagyoyosi ko, wag din kayong mag drugs”

Actually inaabangan ko sa segment na ito kung ano ung views nya or stand nya bilang malaking papel sa liga tungo sa event, artist, judging etc. Hindi na ako interesado dun sa part na sasabihin nya na mas magaling ito at dapat ganto, o maganda iyong pinakita ni rapper 1 etc. Actually sabi nga ni Aric, lahat sasabihin nya sa content ng video ay opinyon nya lang at by the end of the day, ang opinyon ay opinyon lang “hindi importante” Disclaimer narin sa pananatiling neutral sa kaganapan at alam ko marami din dito ang hindi nag eexpect ng ganun sa bagong programang ito. Napaka professional at humble ni Aric, ayaw nyang gumawa ng content na parang magiging imitation lang sang sa iba. Gaya nga ng sabi nya, kung sakaling itutuloy ni Loonie ung Break It Down nya, hindi naman siguro rereviewhin nito ang mga choice of battle nya dahil target nya dito ay iyong may mga mababang views. Dito masasabi natin, gusto talagang gumawa ni Anygma ng kakaiba, at napangatawanan nya naman iyon.

Maganda ang segment na ito dahil nabigyan ng pagkakataon si Aric na mag bigay opinyon tungkol sa judging. Actually sabi nga ni Loonie na hindi naman talaga dapat ijudge ang battle at ganon din si Anygma, for formality na nga lang daw kasi nga liga. Dito napapahatid nya sa mga viewers ang elemento na pwedeng tinitignan ng mga judges kung bakit si ganto ang napili nila. Mas nabibigyan din ng malawak na pagtingin ang Fliptop observer kung paano ba talaga dapat panoorin ang isang rap battle. Dahil mas mana-namnam natin ang pagkain kung meron tayong magandang panlasa hindi lang sa kung anong ininexpect natin.

Maraming topic ang na discuss tulad nalang din ng komedyante vs seryoso. Lagi nga namang sinasabi ng mga rapper na komedyante na kung hindi dahil sa comedy hindi sisikat ang FlipTop. Sabi nga ni Aric tama naman iyon pero kung hindi rin sa mga seryoso, hindi mag iistay ung mga viewers na may malawak na pag iisip na nag aabang na mas technical. Tama nga naman, hindi lang naman basta kailangan makapunta sa tuktuk, actually mas mahirap ang mapanatili sa tuktok. Dahil kung tutuusin ang mga comedy lines, nagiging walang value kung narinig mo na subalit ang technical ay mananatiling technical kahit ilang beses mo mapanood.

Bagaman may mga napapanood na akong clip ng mga rap battle memes o kahit sa panahon palang ng 8 mile noong 2002 at nag Yes Yes Show noong high school, talagang may idea na ko sa dalawang tao na mag sisiraan sa paraan ng pag rarap. Mas nagkaroon ako ng seryoso approach sa rap battle mula ng nalaman ko ang FlipTop nuong December 2010 sa pinsan kong nag bakasyon mula sa Manila papunta dito sa Capiz. At tandang tanda ko pa na sobrang idol nya iyong Loonie at panoorin ko daw. Pati si Dello na simple lang daw, naka white tshirt pero sobrang lupit mag balik kung anong ipang aasar nya sa kaniya. Alam mo ung siya ung nag pabago ng typical na depiction ng rapper nung panahon na nyan dapat naka maluwag kang damit tapos naka bling bling. Nung napanood namin si Dello naisip namin pwede palang maging rapper kahit wlang pang biling Fila, o Bling Bling. (Dahil may barkada talaga akong mahilig sa rap at iyong pormahan nya talaga, siguro maganda gawan ko iyong ng ibang post kung anong attachment ko sa rap at paano ako nagsimulang mahikayat dito. ) Mabalik tayo sa Fliptop, tama nga sila tungkol sa comedy, dahil iyon ang sabi ng pinsan ko, nakakatawa si Loonie, lagi nya pang ginagaya ng mga linya ni Loonie habang nag dodota kami, “hininga ko’y apoy habang sayo’y amoy boy bawang”  Tapos ung kay Dello-Target na, “madaming lengwahe to, madaming narating ito, ganon talaga pag kargador ka sa barko” hindi ko na masyadong matandaan ang eksaktong salita pero lagi ganyan linyahan nya sa dotahan.

Pag search ko naman ng FlipTop sa Youtube, iyong BLKD vs Sayadd iyong nasa unang resulta. Nung pinanood ko, na hook ako dun sa mga linya na tagalog pero technical na masasabi mong pwede din pala ito sa tagalog. Iyong matindi dun iyong Rico lines ni BLKD ayun iyong mga natatandaan ko sa mga unang video na napanood ko. Pero syempre matindi naman talaga iyong laban nila Loonie at Zaito. Wala pang masyadong laban si Allen nun, kaya mas nadiskitahan ko si Fuego. Naawa lang talaga ako nun sa kanya laging talo, lalu pa noong laban nya kay Batas. Mga panahon iyon badtrip din ako kay Batas. Napagalitan din ako ng nanay ko ng maranig nya ung mga bitaw ni Batas doon. Hahaha. nostalgic.

Ang point ay tama nga si Aric, kung naging joke lang lahat, kekenkoyin lang sila ng mga viewers at hindi seseryosohin. Ako masasabi akong seryosong fan ng FlipTop. Tinitignan ko ang liga bilang isang form ng art, o isang universe kung saan may mga character, at ang mga character may ibat-ibang uri ng kakayahan. 10 years na ang Fliptop at 10 years narin akong nanonood hindi nga lang live dahil nandito ako sa Roxas City Capiz, pero kung mabibigyan ng pagkakataon, Sana lang.

Kung sumusubaybay ka talaga sa FlipTop kayo itong uri ng mga fan na nanonood ng lahat ng laban at hindi lang ung mga nag trending. Nanood ka din ng mga video na related sa mga rapper o iyong mga mismong channel nila. Hindi ka nagiging bias sa isang artist kundi lahat ay binibigyan mo ng pagkakataon mapanood at namnamin ang performance nila. Fan ka bilang pagkahalatan hindi iyong fan ka lang ng isang artist. Kung ganoong pagiisip, masasabi mo rin na hindi na nga kailangang ijudge ang mga battles. Kayo rin ang mas kailangan ng liga dahil kayo ang lubos na sususporta maging sino man ang lalaban o kung maging wala mang laban katulad ng pagkakataong ito. Kung seryoso kang fan, panigurado maapreciate mo rin ang comedy. Dyan nga nila tinitira si BLKD, na gusto daw malaliman at galit sa komedyante pero nakikitawa naman kung may linyang makulit (BLKD vs Apekz). Pero sa totoo lang, talagang malawak lang si BLKD at hindi dahil seryoso sya, ayaw nya na sa komedyante. Mas tinitignan nya ung pagkalikha ng joke. Sabi nya nga sa isang lang, “hindi na nga seryoso ang akda, seryosohohin mo naman ang pagkatha”. Dito papasok kung bakit magaling si Sinio, dahil iyong patawa nya, seryoso ang paglikha at real jokes tawag nya dito. Gusto ko teknikal pero hindi ibig sabhin hindi ko trip si Sinio. Ayan ganyan ang gustong gustong ipaabot ni Alaric sa kanyang Anygma Machine.

Isa pang nagustuhan ko sa Anygma Machine eh iyong pag bibigay ni Aric ng trivia o mga kaalaman na syang nakakaalam bilang head ng liga sa pagitan ng artist. Sa review nasabi nya rin na mahilig mag ukay-ukay si Kregga. O kaya naman kung paano at ano ngyari sa Bwelta Balentong. Ayaw iyong mga info na hindi mo maririnig sa ibang tao. Nakakapagbigay din sya ng detalye kung bakit ganto mag perform ang isang artist o ano iyong inspirasyon o impluwensya nya na nakaka apekto sa pag tatanghal nya. Kahit nga iyong basihan nya para sa pag buo ng line up na sasabi nya sa segment nya ito.

Pero pinaka importante sa mga napapahayag nya eh ang future plans ng liga. Alam natin na nahaharap tayo sa matinding crisis na apektado ang lahat ng pinoy. So ano nga ba ang mangyayari sa FlipTop sa mga susunod na buwan. Nabanggit ni Aric na kung bumaba na ang kaso eh mag release sila ng free event na kung saan mga ilang kasama ng rapper ang pwedeng pumunta. O kaya naman nanghihikayat sya ng isang sponsored event. Ang mahalaga dito merong mga planong nakahain para sa atin mga sumusubaybay sa liga. Subalit sa ngayon, tiis tiis lang muna tayo sa mga gantong update. Sa katunayan sa panahong patay ang entertainment business ng Pinas tulad ngayon, ang Hiphop ay sobrang lakas parin. Sa ngayon mas maraming nabibigyan ng oras para mag labas ng kanikanilang mga hip hop related content. Si Flict-G may rap tutorial na sa Youtube. Tapos may ibat ibang mga challenge tulad ng sa Mark Beats. Tapos nabibigyan din ng pagkakataon ang mga bagong rapper tulad ni Geo Ong sa industriya. Isa lang itong patunay na talagang palakas ng palakas ang Hip Hopan sa Pinas.

Facebook

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *